02 March 2011

One Boring Day

Hindi ako pumasok ng araw na iyon

On-leave.

Nasa bahay lang ako

Pinapakiramdaman ang sarili

Hindi ko kasi mawari kung may sakit ba ako o wala

Uneasy kasi ako lately

Bored. Feeling ko palagi akong may sakit na hindi ko alam kung ano

Binuksan ko ang bintana sa may sala. Makikita roon ang lahat ng mga dumadaan dahil may kababaan lang naman ang bakod. Tumanghod ako roon. Namimintana.

Kakaunti lang ang mga nagdaraan. Kalimitan mga sasakyang pampasahero.

Ilang minuto din akong nakatitig lang sa kawalan. Maya’t-maya may tumawag sa akin.

“Ilay!”

Napatuwid ako. Medyo nagulat saka napadako ang aking paningin sa may kalsada. Naroon ang isang lalaking nakasombrero. Hindi ko masyadong naaninag ang kanyang mukha dahil natatabunan ng kanyang sombrero.

“Kumusta ka na?”, sigaw ulit ng di ko nakilalang lalaki.

Kumunot ang aking noo upang maipahiwatig sa kanyang hindi ko siya kilala.

“Ako ito, si Allan!”, sabay kuha ng kanyang sombrero. Malapad ang kanyang ngiti habang mas lumapit sa may bakod.

Tiningnan ko siya ulit.

Oo nga. Si Allan nga! Tila lumundag ang aking puso ng makilala ko siya. Parang gusto kong lumundag sa tuwa.

“Kumusta ka na? Kailan ka dumating?”, sigaw ko rin sa kanya.

Lumabas ako ng bahay saka siya pinagbuksan. “Halika ka, pasok ka.”

Ilang taon naba mula ng huli ko siyang makita. Anim. Pitong taon. Matagal-tagal na rin pala.

Ipinagkuha ko muna siya ng meryenda bago ako umupo sa tabi niya.

“Kumusta ka na?”, Masaya kong tanong sa kanya.

“Okay lang.”

“Kailan ka dumating?”, casual kong tanong habang pinagmamasdan ang kanyang anyo. Ang laki na ng kanyang pagbabago. Naroon pa rin ang guwapo niyang mukha ngunit medyo nangayayat ang kanyang katawan samantalang kaaanigan ng lungkot ang kanyang mukha.

“Kahapon lang,” sagot niya. “Ikaw, kumusta ka na?”

“’Eto, maganda pa rin”, sabay halakhak kung sabi.

“Di ka pa rin nagbabago”, sabi niyang nakangiti.

Ngumiti lang ako at tiningnan siya sa mukha.

“Ganyan ka pa rin kung tumitig,” medyo naiilang niyang sabi.

Tumawa ako. “Masama ba? Ganito na talaga ako, di ba?”

Tumawa na rin siya.

“Kumusta na ang asawa mo?”, maya-maya tanong ko.

“Okay lang naman. Hindi ko siya kasama pag-uwi ko rito. Medyo kinakapos kasi kami eh”, medyo nahihiya niyang sabi. “Mabuti ka pa at mukhang maalwan ang kalagayan ninyo.”

Nagkibit balikat lang ako. “Sinuwerte lang siguro”.

“Oo nga. Hindi katulad ko, minamalas”, may kapaitan niyang sabi na bigla namang pinapalitan ng pilit na ngiti.

“Naku, pana-panahon lang kaya yan ano. Ano nga palang inuuwi mo rito?” sigla kong tanong ngunit naroon din ang kaba na hindi ko mawari kung bakit.

“Mag-iisang taon na rin kasi buhat ng pumanaw si itay, eh medyo kapos nga kami ngayon, maipagbibili ko siguro ang naiwang maliit na lupa.”

“Eh di ba may kaya naman ang asawa mo’ng si Nida?”, tanong ko.

“Nagkahiwalay na kami ni Nida. Maglilimang taon na. Sumama sa ibang lalaki. Iba na ang kinakasama ko ngayon…”

“Ha?”, napamulagat ako. “G-ganun ba? Bakit?”

“Eh… nakulong kasi ako ng dalawang taon eh. Napasama ako sa isang riot,” kakamot-kamot ng ulong turan niya.

Nakatingin lang ako sa kanya. Gusto kong umiyak at tumawa na hindi ko mawari kung ano.

Uminom siya ng juice mula sa baso saka deretsong tumingin sa akin. “Alam mo, na-miss kita..” biglang sabi niya.

Nagulat ako. Saka tumawa ng mapakla. Dapat sana natuwa ako ngunit ang nasasaisip ko ang kanyang mukha. Kani-kanina lang, ang guwapo niyang tingnan sa kanyang maputing t-shirt na gustong-gusto kong isunusuot niya noon. Ngunit kalaunan tila ba nabubura ang magandang bikas ng kanyang mukha. Pumapangit.

“Nagsisisi ako kung bakit iniwan kita dati, Ilay. Kung pwede ko lang ibalik ang panahon, hindi na sana kita iniwan at ipinagpalit kay Nida.”

Napapitlag ako. Ang ngiti kanina ay naging isang malutong na halakhak.

Nagtaka siya. Medyo nalito. Siguro dahil sa wari niya wala naman siyang nasabing nakakatawa.

“Ikaw talaga Allan, mapagbiro ka na pala ano!”, sabi ko sa pagitan ng tawa. “Huwag na nga nating pag-usapan yan. “

“Nagsasabi ako ng totoo Ilay”, akma niyang hahawakan ang aking mga kamay.

Bigla naman akong tumayo. “Ay naku, Allan. Hindi ka pa rin nagbabago, ganyang-ganyan ka pa rin kung magsalita.”

Aherm!”

Napadako ang tingin ko sa may pintuan. Dali-dali kong tinawid ang espasyo papunta sa lalaking nakatayo roon.

“Hi love”, bati ko sa aking asawa saka dinampian ng matamis na halik ang kanyang mga labi.

“Ah, how’s your day?”, nauutal na sabi naman ng aking asawa habang nakatitig sa akin saka napatingin kay Allan na nakaupo pa rin.

“Ah, love, si Allan pala. Kaibigan ko galing sa kabilang lungsod. Napadalaw lang. Allan, si Jaime, asawa ko”, sabi ko habang yumapos sa braso ni Jaime.

“Kumusta pare?”, bati naman ni Jaime.

“O-ok lang pare,” sagot ni Allan.

“Siya nga pala love, may ipagbibili palang lupa si Allan malapit sa may palengke. Pwedeng-pwede yun para sa binabalak nating pagpapatayo ng bakery,” nakangiti kong sabi.

Tumayo na rin si Allan. Bumabalik na naman ang malungkot niyang mukha.

“Aalis na ako”, turan niya habang humahakbang palabas.

“Dito ka na rin mananghalian pare!”, sabi ni Jaime.

“Hindi na pare, may aasikasuhin pa ako eh”, sabi ni Allan saka tumingin sa akin. “Ilay, maraming salamat”.

Ngumiti lang ako. At pinanood siyang lumabas ng bahay hanggang makalabas na ng gate. Matagal na nga talaga ang lumipas na panahon. Wala na ang sakit na parati nararamdaman ko sa tuwing iniiwan ako dati ni Allan. Ito ang unang beses na tila manhid at hindi ako nakakaramdam ng anumang kawalan.

Narinig kung bumuntong-hininga si Jaime.

Paglingon ko, nakita ko siyang nakatitig lang sa akin.

Nilapitan ko siya. Saka hinalikan sa labi. Ng mariin. At matagal.

“Jaime, ang suwerte ko ikaw ang naging asawa ko,” nausal ko habang yakap-yakap ko si Jaime.

Niyakap niya rin ako. Mahigpit. At dinig na dinig ko ang malakas na tibok ng kanyang puso.

Naisip ko, tama si Allan, masuwerte nga ako.

No comments:

Post a Comment