Ang usapan namin ni Homer, magkikita kami sa gabing iyon.
Manonood ng sine,
mamasyal,
at kung hanggang saan kami mapunta.
Bahala na, naisip ko.
Kontodo handa ako. Nagdala pa ako ng extra damit baka ka'ko magyaya si Homer, ang aking nobyo; na sa beach na lang kami magpapa-umaga. Hindi niya ako masundo dahil medyo may kalayuan ang bahay ng pinsan ko kung saan ako nakitira kaya napagkasunduan naming magkikita na lang sa isang lugar.
Ito na yun. Bahala na kung anuman ang mangyayari sa amin, sabi ko sa aking sarili habang nakasakay ng taxi papunta sa pinag-usapan lugar kung saan kami magkikita. Dalawang buwan pa lang na naging kami at inaamin ko, gustong-gusto ko siya. Guwapo kasi, mapagbiro. Yung tipong hindi mo kakasawaang kausap at kasama.
Kaso lang, medyo may pagka-agrresive si Homer. At talagang nahihirapan akong pigilan siya sa bawat pagkakataong magtatangka siya sa akin. Laking probinsiya kasi ako, kaya may pagkakonserbatibo pa rin at hindi pa ako bukas sa pre-marital sex.
Ngunit sa pagkakataong ito, tila ba hindi ko na ininda ang mga values na itinuro sa akin ng aking mga magulang. Handa na ako sa anumang gusto mangyari sa amin ni Homer. Iyon ang nasasaisip ko sa mga oras na iyon. Sabi niya kasi, nakakadagdag iyon ng closeness namin bilang magnobyo.
Dumating ako doon mga diyes minutong late sa oras na pinag-usapan namin. Alas otso ng gabi ang usapan namin. Ayoko kasing maghintay at baka isipin niyang patay na patay ako sa kanya (na sa panahong iyon eh totoo naman). Peru napasimangot ako kasi wala pa siya doon.
Natrapik lang siguro, kaya naupo ako sa isang bench. Malapit lamang iyon sa isang parke kaya nakikita ko mula sa aking kinauupuan ang iilang pares ng mga magnobyo na masayang nagkukuwentuhan at naglalambingan.
Lampas alas-nuwebe na ngunit hindi pa rin siya dumating. Medyo nainip na ako at napapahiya na sa iilang nasa paligid dahil mahigit isang oras na akong nakaupo lang doon.
Shit! Halos ipukpok ko na rin ang aking cellphone dahil sa katangahan ko hindi ko man lang nai-charge at talagang dead battery ito.
Naghintay pa rin ako.
Hanggang alas nuwebe.
Alas diyes.
Naghintay ako hanggang hanggang alas onse. Walang anino ni Homer ang dumating.
Para akong tanga na hindi ko alam kung bakit naghintay pa ako ng ganun ka-tagal.
Kinabahan kasi ako. Sa isip ko, baka kung anong nagyari sa kanya. Lintek naman kasing cellphone na 'to at ngayon pa nagloko. Tumayo na ako at lumakad patungo sa paradahan ng dyip. Uuwi na lang siguro ako.
"Hoy, anong ginagawa mo rito?"
Nagulat ako ng may biglang kumalabit sa akin. Lumingon ako.
"Hi, anong ginagawa mo dito?, wika ng isang lalaki na hindi ko kilala ngunit namumukhaan ko naman. Nakasakay siya sa isang motorbike.
"Ah eh, may hinintay kasi ako eh", sagot ko at iniispatan ang lalaki. Hindi naman siya mukhang masamang tao.
"Si Homer ano?", sabi naman niya at ngumisi.
"Paano mo nalaman na si Homer nga ang hinihintay ko?", taka kong tanong sa kanya.
"Di ba ikaw yong kasama niya doon sa birthday ng pinsan niya noong isang linggo? Andun din ako noon, magkapitbahay kasi kami," sagot ng lalaki.
Ngumiti ako. "Ah, kaya pala namumukhaan kita eh. Siyanga pala, nakita mo ba si Homer? Kanina pa ako naghintay sa kanya eh, may usapan kasi kaming dito magkikita", nahihiya kong sabi.
"Ha? Naku eh ... teka anong oras ba usapan ninyo?", tanong niya ulit.
"Alas otso pa... alas onse na nga eh, hindi pa siya dumating. baka ka'ko may nagyari sa kanyang masama", sabi ko.
"'Nak nang... Walang hiya talaga ang lalaking iyon, may date pala eh. Nakita ko doon sa may tindahan malapit sa amin, eh lasing yata", kakamot-kamot na sabi ng lalaki.
"G-ganun ba..", halos panawan ako ng ulirat ng marinig ko ang sinabi ng lalaki. Para akong binuhusan ng malamig na tubig at gusto ko ng kaninin na lang ng lupa sa hiya. Hindi ko na hinintay ang sagot ng lalaki at lumakad na ako.
"Sandali lang, miss," habol sa akin ng lalaki at pinapatakbo ang kanyang motorsiklo. "Saan ka ba uuwi? Ihahatid na lang kita."
"Huwag na", magdyi-dyip na lang ako. "Salamat na lang."
Tumulin na ang lakad ko. Halos kumaripas na ako ng takbo habang nag-uunahan naman ang pagdaloy ng aking luha. Hiyang-hiya ako. Narating ko din ang paradahan ng dyip at sa pagkadismaya, wala ng ni-isang dyip ang nakaparada doon.
"Miss.."
Palingon ko, naroon ulit ang lalaki. Di ko namalayan, nakasunod pala siya sa akin.
"Bakit?", pasinghal kong tanong sa kanya habang nagpapahid ng luha. Hiyang-hiya kasi ako sa sarili ko, at pati na rin sa lalaking kausap ko. Baka iniisip niya, ang landi-landi ko at nag-effort talaga akong makipagkita sa boypren ko na hindi naman ako sinipot at sa halip ay nakikipag-inuman lang sa mga barkada nito.
"Eh wala na kasing pumapasadang dyip dito eh, alas-onse kasi ang cut-off ng biyahe dito. Mamayang alas tres ng umaga pa ang susunod na pasada", sabi ng lalaki.
Hindi ako kumibo. Maya-maya, umiyak na lang ako. Humagulhol. Gusto ko na talagang magpatiwakal dahil sa kahihiyan.
"Halika ka, miss. Hindi naman ako masamang tao eh. Mukha kasing uulan eh. Kung gusto mo, Sumama ka na lang sa akin, ihahatid kita kina Homer", sabi ng lalaki na hindi ko napansing nakababa na pala ng motorsiklo at nasa may harapan ko na.
"Naku huwag, hindi ko na gustong makita ang pagmumukha ng lalaking iyon", inis kong sabi.
"Okay miss pero pwede bang sumama ka na lang sa akin..doon tayo sa medyo safety na lugar. Baka kasi may magawi pa ditong mga adik eh, hindi naman kita pwedeng iwan na lang dito baka kung ano pang mangyari sa'yo", medyo nairita na rin sabi ng lalaki.
Sumakay na rin lang ako sa motorsiklo niya. Ilang sandali pa, umuulan na. Buti na lang at nakasilong kami sa isang kubo sa tabi ng daan malapit sa may police station kaya hindi ako masyadong nabahala. Tingin ko naman sa lalaki eh mabait naman.
Naupo ako sa isang tabi at umiyak. Naupo na rin ang lalaki di kalayuan sa tabi ko at nakatingin lang. Hindi ko na iniintindi kung anuman ang iniisip niya sa akin. Patuloy akong humahagulhol. Napatingin ako sa aking relos. Lampas alas dose na. Iilang oras pa bago ako makakauwi base na rin sa sinabi ng lalaki na alas tres pa ng umaga may mamasadang dyip. Tumigil na rin ako. Hindi naman kasi talaga ako nasaktan na hindi ako sinipot ni Homer. Ang iniiyakan ko ay ang kahihiyan sa kalandian ko na parang ako tangang naghahabol sa isang lalaking wala naman pagpapahalaga sa akin.
"Salamat ha", maya-maya sabi ko.
"Okay lang yon. Wag mo ng intindihin," sagot naman niya.
"Kakahiya talaga sa'yo, nadamay ka pa. Baka hinintay ka na ng misis mo", sabi ko.
"Naku binata pa ako oy", ngisi niya na tila naaaliw.
Ngumiti na rin ako. "Ako nga pala si Lanie. Ikaw?"
"Emz. Magkapitbahay kami ni Homer. Magkatapat lang kami ng bahay".
"Pasensiya ka na talaga Emz ha. Nakakahiya talaga sa'yo. Sana huwag mo na rin ipagsasabi sa iba nangyari sa akin hah.. kakahiya kasi eh," sabi ko.
"Walang problema. Huwag mo ng intindihin. Saka baka nakalimutan lang ni Homer, baka nayaya ng barkada at di makatanggi kaya ayun nalasing", sabi niya.
"Nga eh. Wala namang pagpapahalaga sa akin ang taong yon. Kita mo naman, pinaghintay ako sa wala. Hahaha, naku ang tanga ko talaga", sabi ko habang bahagyang tumawa.
"Mahal mo ba siya?", maya-maya tanong ni Emz.
Napatingin ako sa kanya. Medyo may kadiliman kasi ang kubo dahil walang ilaw at tanging ang malamlam na liwanang ng poste sa may di kalayuan ang nagsisilbing ilaw doon. Naghanap ako ng masasagot sa tanong niya. Nangapa ako. Wala akong maisip.
"Hindi siguro", mahinang sagot ko. Tapos humahalakhak. "Naku, hindi ko nga naman pala siya mahal eh. Alam mo yun, crush lang siguro. Saka boring kasi buhay ko kaya medyo nakafocus ako kay Homer. " Lumakas ang tawa ko.
Napakamot ng ulo si Emz. Nagtaka siguro sa biglang pagbago ng mood ko. Naisip na nga yata niya na may topak ako at nasisiraan na ng bait.
"Pasensiya ka na ulit Emz. Masaya lang ako. Kasi, alam mo kung sinipot kasi ako ni Homer, baka may nangyari na sa amin. Naku, wala namang kuwenta ang lalaking iyon eh, di ba. Buti na lang, hindi siya sumipot. Thanks God!", tuwa kong sabi. "Salamat ulit ha."
Nakitawa na rin siya. Maya-maya nagkukuwentuhan na rin kami na parang walang nangyari. Kung anu-ano na lang ang pinag-uusapan namin. Sinipat ko ulit ang oras. Mag-aalas tres na pala.
"May dyip na siguro sa ngayon. Uuwi na ako.", sabi ko sa kanya.
"Mamaya ng konti pa. Wala pang pasahero ngayon," sabi niya saka medyo lumapit sa akin.
Naman, isip ko. Magte-take advantage pa yata ang mokong na ito eh.
"Kayo pa rin ba ni Homer niyan?", tanong niya.
Umiling ako. "Di na noh, kapal niya lang. Saka uuwi na ako ng probinsiya bukas eh. Bahala na siya sa buhay niya."
"Eh di loveless ka na niyan," may himig kantiyaw na sa bi niya.
"Okay lang yon. Buti nga ang ganun para walang heart ache eh, di ba," ngisi ko sa kanya.
"'Lam mo, ang cute mo," sabi ni Emz habang tinitingnan ako. hindi ko naman masyadong maispatan ang mukha niya dahil medyo madilim.
"Dati ko ng alam yon, oy!", biro ko. Parang hindi ako dumanas ng heart ache ilang oras ang nakaraan at kinilig ang puso ko sa sinabi niya.
"Ano kaya kung tayo na lang ang magboypren. Kalimutan mo na si Homer, wala namang kuwentang lalaki yon eh, lasenggo pa. Wala kang future dun," sabi niya. Hindi ko naman mawari kung seryoso o biro lang. Ngunit pilit kung inisip na biro lang dahil nakangiti naman siya.
"Gusto mo?", ganting biro ko sa kanya.
"Sige. From now on, tayo na ha," sabi niya habang itinuwid ang isang kamay papunta sa likod ko at umakbay. "Pahingi ng cellphone number mo."
"Okay. Asan na cellphone mo, at ipo-phonebook ko", wika ko at inilahad ang isang kamay.
"Isulat mo na lang sa papel kung pwede, Wala akong dalang celfon eh", sabi niya. Dahil lage naman akong may dalang notepad at bolpen kaya naibigay ko sa kanya cellphone number ko.
Ilang saglit pa, kinalabit niya ako. "Bakit?", takang tanong ko.
"Eh diba magboypren na tayo ngayon?", wika niya.
"O tapos?"
Humigpit akbay niya sa akin. "Pwedeng pa-kiss?"
Tumawa ako. "Ambilis mo naman!."
"Ganun talaga yun, Sige na please," sabi niya at pinamumungayan pa ako ng mata.
God, ano ba itong napasok ko. Tiningnan ko siya ulit.
"Sige, sa pisngi lang, okay lang ba?," ka'ko.
"Okay", saka hinalikan niya agad ako sa pisngi. Hindi naman niya inilayo ang mukha niya sa may pisngi ko kaya nung lingunin ko siya upang tingnan ay saktong lumapat yong labi niya sa labi ko. Bigla, hinalikan niya ako sa lips.
Itinulak ko siya ngunit parang respetong tulak lang dahil wala namang lakas. Saglit lang yon, mga iilang segundo lang siguro at binitawan na rin niya ako.
"Halika na, ihahatid na kita sa paradahan ng dyip," sabi niya sabay tayo.
Nakauwi din ako sa bahay ng aking pinsan at umuwi na ng probinsiya nung sumunod na araw. Nagtext si Homer nung nasa bus na ako pauwi. Humingi ng sorry. Pinatawad ko naman pero ka'ko kalimutan na lang niya ako. Matatagalan na rin kasi bago ako makabalik uli ng siyudad. Hindi rin nagtext si Emz pagkatapos ng araw na iyon. Kahit isang beses. Napangiti na lang ako kapag naiisip ko ang mga kalokohan ko.
Saktong isang buwan buhat nung hindi ako sinipot ni Homer, may biglang tumawag sa akin. Hindi nakaphonebook sa cellphone ko kaya medyo nagtaka ako.
"Hello, sino to?", bati ko sa caller.
"Hi...", sabi naman ng nasa kabilang linya. Lalaki. Hindi ko kilala.
"Yup. Sino po ito?," tanong ko.
"Si Emz ito, tatandaan mo pa ba?," sagot ng caller.
Napakunot noo ako. "Yup? ", sabi ko na medyo naiinis na di ko alam kung bakit.
"Happy first monthsary! Muah!", sabi niya. "Miss you."
"Anong monthsary?," sabi ko.
"Kalimutan mo na ba? Di ba naging tayo saktong isang buwan ngayon?," sagot naman niya. "Di mo ba ako namiss?"
Napangiwi ako. "Naman. Eh tayo pala, bakit ngayon ka lang nagparamdam?", nakapamewang pa ko ng sinabi yon kahit di niya naman ako nakikita.
"Pasensiya ka na ha. Peru di bale, tinawagan naman kita ngayon eh, di ba?", malambing ang boses na sabi niya.
"Naku, ewan ko, nakalimutan ko na. Salamat na lang sa tawag. sige ha, busy ako eh. Bye," saka pinindot ang end call. Nanghinayang naman ako at ginawa ko yon. Di bale, pag tatawag ulit. Naghintay ako, ngunit hindi na ulit nag-ring ang celfon ko. Try ko i-misscall number niya ngunit cannot be reach na.
Hindi na rin siya tumawag.
Hangga't lumipas na ulit ang isang buwan.Tumawag ulit siya. Ganun pa rin. Greet niya ako nga 'Happy monthsary'. Sa pagkakataong yon, di ko na siya binabaan ng fone. Mag-iisang oras din kaming nagkukuwentuhan.
Ganoon palagi ang nangyayari. Siya ang tumatawag sa akin kapag sumapit ang monthsary namin. Hindi ko siya makontak kahit kailan, laging out of coverage ang number niya. Noong una, hindi ko lang pinapansin. Kalaunan, naiinip na rin ako. Saka naisip ko, baka naman may asawa ang taong iyon at pinagloloko lang ako.
Anim na buwan din ganoon ang set-up namin. Hindi ko naman kasi siya masyadong sineseryoso kaya wala na sa akin. Isa pa, hindi ko nga din pala alam ang totoo niyang pangalan, pati apelyido niya, wala akong alam. Hindi ko nga rin alam kung ang Emz ba ay totoong pangalan niya o gawa-gawa lang.
Saktong ikapitong buwan, hindi na rin ako nakatanggap ng tawag mula sa kanya. Itanggi ko man peru talagang naghintay ako na tumawag siya. Kahit papaano, nilo-look forward ko na rin ang petsa na tatawag siya at magkukuwentuhan kami. Ngunit mag-aalas kuwatro na ng hapon, wala talaga.
"Ate, lumabas ka raw diyan sa kuwarto mo, sabi ni papa. May naghahanap sa'yo," tawag sa akin ng kapatid ko.
"Sino raw?," takang tanong ko dahil wala naman akong ini-expect na bisita.
"Ewan. Labasin mo na lang kasi," sagot ng kapatid ko saka umalis na rin.
Hindi na ako nagbihis. Hindi na rin ako nag-abalang maglagay pa ng pulbos kahit medyo namamawis ang mukha ko.
Dumeretso na ako sa sala.
"Lanie, may bisita ka," sabi ng papa ko na nakaharap sa akin samantalang nakatalikod naman ang isang lalaki. Naka-longsleeve ang lalaki at pormal na pormal. Baka pastor ito, isip ko.
"Iiwan ko na muna kayo dito," sabi ng papa.
Lumingon na rin ang lalaki pagkasabi nun ng aking papa kaya medyo nagulat ako ng makita kung sino ang bisita.
"Emz?!", gulat kong sabi. "Anong ginagawa mo rito?"
"Dinalaw ka. Happy monthsary!," sabi niya saka inabot ang isang kumpon ng bulaklak.
"Ginulat mo naman ako eh, bakit di mo sinabing paparito ka," sabi ko at naupo. Para kasing nanghihina ang tuhod ko.
"Balak ko kasing sorpresahin ka,"sabi niya at naupo sa tabi ko. "I love you."
Diyos ko, nausal ko. Hihimatayin nga yata ako.
"Huwag kang hihimatayin, okay", nakatawang sabi ni Emz habang hinahawakan ang kamay ko."Di ka ba naghilamos?"
Muntik na akong nahulog sa kinauupuan ko saka umirap. "Naman. Di ka kasi nagsabing paparito ka eh."
Tumawa siya ng malakas. "Hindi ka pa ba nasanay? Lage naman kitang sinusorpresa diba?"
"Naman," ngiwi ko saka tiningnan siya sa mukha. "Pwedeng magtanong?"
"Anu yon?"
"May asawa ka na ba?", tanong ko sa kanya na ikinabulanghit niya ng tawa. "Saka ano ang totoo mong pangalan?"
Niyakap niya ako. Saka bumulong, "Akala ko, hindi ka na magtatanong eh.James ang totoo kong pangalan. Walang asawa."
Ngumiti na lang ako. Bumulong siya ulit. "I love you."
Hindi ako sumagot. Hindi ko naman kasi alam ang isasagot ko.
Basta ang alam ko masaya ako.
Tiningnan ko siya ulit. "Kumuha ka muna ng CENOMAR. Baka mamaya nyan, niloloko mo lang ako."
"Yes boss. Basta ba papakasal ka sa akin pag nakakuha na ako nun, okay?," sagot naman niya. Tumawa. Kitang-kita na nangingislap ang kanyang mga mata na tila humahaplos din sa aking puso (an lalim lang nun, hehe).
Tumawa na rin ako. Napuno ng masayang tawanan ang buong sala.
LIMANG TAON na rin ang nakalipas ngunit hanggang ngayon, sa pagsapit ng mahalagang petsang iyon, sa tuwina palagi pa rin akong nasosorpresa.
Bakit ba hindi, eh hanggang ngayon kami pa rin ni Emz.
Alam ko na rin ang apelyido niya. Nagustuhan ko nga eh. Kaya ayun, apelyido ko na rin.
ang haba.. hehe! ung half niyan sa bahay ko binasa ung kabuon d2 sa ofis.. nice..:)
ReplyDeleteSailor @: thanks much. hehe
ReplyDelete@ mommy raz: Thanks poh. kisses.
Sweet nmn ni emz
ReplyDelete