13 February 2011

Missing my Son...as always


Ngayong gabi ay isa lamang sa mga gabing tagmak ang mga mata ko sa luha.

Nag-iisa lamang ako sa madilim na silid na iyon. Tanging kaunting guhit ng liwanag mula sa poste ng ilaw sa labas ang sumusuot sa munting siwang ng bintana.
Sanay na rin ang mga mata ko sa dilim.

Naririnig ko ang sarili kong mga hikbi habang naglalakbay ang aking diwa.

Ilang taon na ba akong ganito at nag-iisang namumuhay sa kalungkutan? Siguro mga tatlo o apat na taon na.

Masasabing maayos naman ang katayuan ko sa buhay. May magandang trabaho. May sariling bahay.

Ngunit ang tao kasi, kahit anupaman ang naabot sa buhay, nananatiling may hinahanap dahil may kulang.

Hindi nyo man naitanong ngunit ang totoo, may asawa na ako. Mabait, mapagmahal, ulirang asawa, 'ika nga. may maayos na posisyon sa pinapasukang kompanya. Anupa't wala na sana akong dapat hilingin pa.

Maliban sa iilang mga bagay na ewan ko ba at parang ang layo-layo pang abutin.
Una kasi nasa malayo nagtatrabaho ang asawa ko. Gustuhin ko mang mapalapit kami sa isa't-isa ngunit hindi maibigay ng pagkakataon. Pareho kaming ayaw isuko ang sari-sarili naming mga karera sa buhay. At pareho din kaming takot sa kung anumang mangyayari kung sakali isa sa amin ang magsakripisyo'ng isuko ang trabaho upang kami ay magkasama lamang.

Umuuwi naman siya- madalas. Ang madalas naman kasi para sa amin eh yung nakakauwi pa siya ng tatlong beses sa isang buwan at namamalagi lang sa bahay ng isa o dalawang araw tapos babalik na naman uli sa pinagtatrabahuan.

Kaya heto ako, mas madalas na mapag-isa. Umaalis at umuuwi ako sa bahay na wala naman talagang inuuwian. Walang inspirasyon, sabi nga.

May-asawa nga akong tao, wala naman akong anak.

Sa loob ng halos limang taon naming pagsasama ng akinge esposo, isang beses lang akong pinagkalooban ng pagkakataong maramdaman kung paano ang maging isang ina. At masakit man isipin, kinuha rin sa akin ang pagkakataong iyon.

Taong 2007 ng magpakasal kami ng aking asawa. Buntis ako noon kaya napilitan kaming magpakasal.

Dalawang taon din naman kaming magkasintahan bago kami nagpakasal.

Wala namang problema. Pareho kaming may sari-sarili ng pinagkakakitaan. Ngunit dati pa, talagang nakatakda na talaga kaming mamuhay ng malayo sa isa't-isa ng aking asawa.

Sapagka't beinte-dos lang ako noon, ang hindi ko natanto- may mas malaki pa palang inaasahan ang mga magulang ko sa akin, lalo na ang aking ina-

na hindi man lang nabigyan ng katuparan dahil nga ako'y nabuntis at nagkaasawa. Higit sa lahat, hindi nila inaasahang ako na kanilang mabait at ulirang anak ay nagpabuntis sa isang hindi naman nila kilalang lalaki.
(Hindi nila alam na ako ay nagbo-boypren na.)

Wala pang eksaktong pitong buwan ang aking dinadala ay bigla-biglang naisugod ako sa hospital sapagkat ako raw ay manganganak na.

Disyembre 19, 2007. Iniluwal ko ang isang payat at maliit na batang lalaki. Nakikita ko kung paano siya lumabas mula sa aking sinapupunan. Noon din, ng masilayan ko siya habang hawak-hawak ng doktor na nagpaanak sa akin, naramdaman ko- ako ay isa ng ina. Kakaibang ligaya ang makita ng isang ina ang kanyang anak. Umiiyak. Gusto ko siyang yakapin at halikan at sabihin sa kanyang ako ang kanyang ina.
Ngunit saglit lang iyon, wala pang isang minuto, inililipat na nila ang aking anak. Hindi ko man lang nahawakan. Sinusundan ko siya ng tingin habang inilalayo sa akin. Para bang hungkag ang aking nararamdaman sa mga oras na iyon habang papalayo ang aking anak mula sa aking kinahihigaan.
Iyon pala- inilipat siya sa isang incubator. Kulang ng buwan ang aking anak, kailangan niyang i-incubate upang mas magkaroon ng lakas.

Ang saya-saya ko sa mga oras. Excited akong makasama na ang aking si junior. Pati ang aking asawa ay walang patid ang tuwa habang pareho kaming nagpaplano ng mga magagandang bagay para sa aming munting anghel.

Disyembre 20, 2007. Alas tres ng madaling- araw. Pinapatawag ang aking asawa. Nakangiti pa siyang lumabas mula sa silid ng hospital na kinaroroonan ko habang bitbit ang mga kakailanganin ng bata.

"Ihalik mo ako sa kanya ha", sabi ko. Hindi kasi ako makatayo dahil masakit pa ang punit ko. Nahihirapan akong makatayo.

"Oo, huwag kang mag-alala, makikita mo rin siya. Magpagaling ka kaagad para mapuntahan natin siya", sagot ng aking asawang malapad ang ngiti. "Babalik ako agad dito."

Naghintay ako. Isa. Dalawa. Tatlong oras. Hindi bumalik ang aking asawa sa aking silid. May kaunting galit na akong nararamdam. Naiisip ko, paano kung iniwan na niya ako. Kami ng anak ko.

Alas dos na ng hapon ng siya'y nakabalik. Hagpis ang mukha, mugto ang mga mata.

"Saan ka ba galing? Naghintay ako, sabi mo babalik ka kaagad?"

"Pinuntahan ko si baby. Delikado ang kalagayan niya.."

"Ano? Bakit? Anong nangyari?"

"Kailangan niyang maabunuhan ng dugo. Hon, natatakot ako. Baka hindi kayanin ng baby natin", napaiyak na ang aking asawa.

"Don't worry, okay. Mana sa akin si baby, hon. Matapang yun, kayang-kaya niyang mabuhay, okay. Hindi pa siya na-hug ni mommy. Mauuwi din natin siya, di ba?," sabi ko. Garalgal man ang aking boses ngunit may himig ng tapang pa rin. Malaki ang tiwala ko, hindi pababayaan ang aking anak.

Ang hindi sinabi ng aking asawa, halos mahigit sampung oras siyang nagbobomba ng hangin para makahinga ang sanggol. Kaipala'y mugto ang kanyang mga mata, dahil kaharap niya si baby, habang nagpa-pump ng oxygen. Sa bawat pisil niya nakasalalay ang bawat paghinga ng anak ko. Torture yun para sa kanya bilang ama ang makitang nahihirapan ang aming anak- at umaasa sa mga kamay niya.

Ilang beses din- pabalik-balik ang aking asawa sa ICU. At sa bawat balik niya sa akin, mas humihigpit ang hawak niya sa aking mga kamay. Walang imik.

Disyembre 21, 2007. Alas dos ng hapon.
Pumasok ang aking asawa sa silid na kinaroroonan ko. Gaya ng dati, walang salita ang namutawi mula sa kanya. Inaasahan ko na ang higpit na hawak niya sa kamay ko. Ngunit hindi niya ginawa. Sa halip, niyakap niya ako ng mahigpit.

Kinabahan ako.

"Bakit? Ano bang nangyayari sa'yo?"

Hindi siya sumagot. Ngunit naramdaman ko, basa na ang aking leeg ng kanyang mga luha. Dinig ko rin ang mahinang iyak niya.

"I'm sorry hon. Giniv-up ko si baby. Sorry, hindi ko na kasi kayang makita siyang nahihirapan. Patawarin mo ako", hagulhol niya. "Love ko si baby, ayaw ko siyang maghirap."

"Bakit nga kasi..", garalgal na rin ang akin boses. Nagsimula ng bumukal ang luha sa aking mga mata. "Huwag ka ngang umiyak. Pinagloloko mo naman ako eh."

"Wala na si baby natin".

"Ano ka ba! Huwag ka ngang magbiro ng ganyan, akala mo natutuwa pa ako sa'yo ha!", may kalakasan kong sabi. Ang lakas-lakas ng kabog ng aking dibdib. Ang sikip-sikip.

"Patay na si baby!", sigaw niya. Habang niyakap ako ulit. Mahigpit na mahigpit.

Parang sasabog. Ang sakit-sakit. Ramdam ko ang sakit na tumatagos sa aking dibdib habang naririnig ko ang sinabi niya.

Pumalahaw ako. Umiiyak. Halos mamatay na rin ako sa sakit na aking nararamdaman.

Nailibing ang anak ko.

Hindi ako pinalabas ng ospital. Delikado raw ang kalagayan ko. Hindi ko man lang nakita ng matagalan ang aking anak. Hindi ko nahawakan. Hindi ko nayakap.

Tanging mga larawan lang ang naiwan.

Mga larawan ng walang buhay kong anak.



Sa maraming pagkakataon, ilang beses pa rin akong napaluha kapag naaalala ko ang masakit na karanasang iyon sa aking buhay.

Hindi na rin ako nabiyayaan ng isa pang pagkakataon na magkaanak. Hiling ko lang sana, kahit isa lang. Umaasa ako. Sa bawat gabi, ang tanging dalangin ko ay pagkakalooban ulit ako ng isang anak.





(This story is based on the true-life experiences of the author. Any resemblances are purely coincidental only.)

No comments:

Post a Comment